Ang isip ay lumilipad nang madalas,
Nananaginip kahit imposible.
Kahit alam na nating parehas
Nandito lang tayo sa kung saan komportable.
Sa lalong pagtanggi sa sarili
Na hindi totoo ang nararamdaman,
Sa ngiti ko’y nananatili
Ang bakas ng kasiyahan.
Magkalayo man sa ngayon,
Hindi man alam ang ruta papunta diyan,
Malay mo’y sumang-ayon
Ang tadhanang nakalaan.
Sumasagi rin kaya sa isip mo
Ang mga ganitong bagay?
Tinatanong mo ba ang iyong puso,
“Siya na ba pang-habambuhay?”
Siguro nga, ganito ang trato mo sa lahat.
O di kaya’y kaibigan lang talaga ako.
Kahit ano man sa dalawa ang angat,
Nagpapasalamat na pinagtagpo.
Magulo man at walang kasiguraduhan,
Pero handa akong itaya ang puso ko muli.
Hindi mo man alam sa kasalukuyan
Na gusto kong sayo’y umuwi.
Sinta na hindi akin, manatili ka
Rito kung saan tayo lang ang nakakaalam.
Sa lugar na walang humuhusga,
Sa lugar na sana’y walang magiging paalam.